Sunday, April 3, 2011

PRIA

Nakaupo si Pria habang pinagmamasdan ang paglubog ang araw. Matatapos na naman ang maghapon nang walang masyadong ginagawa. Maya-maya lang ay hayan na muli ang buwan kasama ang dilim ng kawalan. At sa puntong iyon, Magsisimula ang tila walang katapusang pag-iisip, paghahanap at paghihintay. Matapos makiraan ng kadiliman, bibisita naman ang haring araw dala-dala ang liwanag na katumbas ng pag-asa. Ngunit sa lugar kung nasan si Pria, wala siyang maaninag.

At paulit ulit lang ang pagdaan ng hapon, gabi at umaga.

Hindi ito bahagi ng pagkatao ni Pria noon. Pero ngayon unti-unti na siyang nilalamon nito. Ano bang meron sa buhay ng tao at umaabot ito lagi sa punto ng pagdududa sa mga bagay na nagawa na niya o nangyari na. Dapat ba o hindi? Ngayon o maghintay ng pagkakataon? Ipagwalang bahala o paghandaan?

Nagsimula ang lahat nang anyayahan si Pria at ang kanyang mga kaibigan na dumalo sa sayawang ginaganap tuwing gabi sa bahay ni Maestro. Ngunit dahil sa likas na bata, mas pinili nila na puntahan ang magarang pagtatanghal ng mag kakaibang tao at hayop na ipinalalabas gabi-gabi sa bayan. At ayun nga, nun gabi, manghang-mangha sila sa panonood sa nakakaaliw na panonood sa nakakaaliw na pagpapakitang gilas. Nananakit ang tiyan nila sa katatawa. Halos mamaos sa kakasigaw.
Isang pagsasayang walang inaalala.


Nagdaan ang mga araw at tila nababagot na. Nagsasawa sa palagiang nakikita. Kaya ayun, tila nag papahiwatig ng kagustahang pumunta sa bahay ni Maestro upang makadalo sa sayawan. At sa pag-iisip ng mga bagay-bagay na maaaring mangyari sa bagong lugar na balak puntahan, ay para bang nabigyan sila nag panibagong sigla. Sila, pero hindi si Pria. Dahil si Pria ay nananabik pa ring mapanod ang palabas sa bayan. Pero dahil gustong makasama ang mga kaibigan, nung kinagabihan ay umayon din siya.

Nang patungo sila sa sayawan, ang payo ng mga kasalubong ay magkaiba. May nagsasabing maging matiyaga at matutong maghintay. Sa iba naman ay maging taong may kusa at gumawa ng paraan. Habang ang iba'y naghihintay, sa paniniwalang darating ang taong para sa kanila. Ang iba naman ay hindi mapalagay sa pag-upo at pilit na nililibot ang buong bulwagan.

Pagdating sa lugar, sila'y namangha. Isang napakalaking bulwagan sa napakaraming tao. Mukhang ang lahat ng mamamayan sa bayan ay na doon na. Lahat sila, matanda man o bata. Tunay ngang ang lahat ay nababaliw pagpasok dito. Dahil tila ang mga nagsasayaw ay walang pakeelam sa iba at tanging sa kapareha lang umiikot ang mundo nila.

Ang unang gabi ng magkakaibigan sa sayawan ay masaya rin naman. Pinagdiriwang ang pagiging malaya at kawalan ng tungkulin para sa iba. May pagkakataon na naaakit ang iba sa kanilang tinagtaglay na kalayaan. At minsan ay naiingit sila sa iba na kinakikitaan ng pagmamahalan. At nang tumagal, mas lumulubog sila sa kumunoy ng pagnanais na magkaron ng makakasayaw.


Subalit si Pria ay iba sa kanila. Bagamat nauunawaan niya na ang bawat isa ay nangangailangan ng isang taong makakasama sa pagsabay sa musika, para sa kanya, hindi pa niya ito kailangan. Sapat na ang kasiyahan kasama ang kanyang mag kaibigan.

Kaya ayun, hinayaan na lang sila ni Pria at nung sumunod na gabi ay bumalik siya sa bayan para mapanood ang pagtatanghal. Siguro nga, hindi na ito kasing saya ng dati. Subalit kumpara doon, mas gusto niya dito.

Lumipas ang mag gabi, at habang nagtatagal unti-unti na siyang nababagot. At dumating na ang pinangangambahan ni Pria. Tulad ng pinagdaanan ng kanyang mga kaibigan, hinahanap na rin niya ang pagbabago.

Isang gabi pumunta hi Pria sa bahay ni Maestro. Hinanap ang kanyang mga kaibigan. Kahit napakalaki ng lugar, nakakapagtakang hindi niya sila matagpuan, gayaong alam niya ang lugar na madalas nilang pinupunthan. Nang muli siyang tumingin sa paligad, may nakita siyang pamilyar na mukha. Lalapitan sana niya, ngunit meron itong kausap. Napangiti si Pria at humakbang patalikod. Nagpasyang wag nang lapitan, dahil ayaw niyang makagambala.

Di nagtagal may nakita pa siyang isa. At isa pa.At isa pa. Nagkalat sila sa buong paligid. Hindi niya magawang lumapit. Nalungkot siya, dahil mukhang naiwan na siyang mag-isa. Hindi na siya nabibilang sa lugar na kinaroroonan niya. Tumatakbo sa isip niya ang tanong na kung ano ang maaaring nangyari kung hindi siya bumalik sa bayan para manood ng palabas. Alam niyang darating siya sa puntong ito, ngunit ganun pa man dumating ito na parang hindi niya inaasahan. At nahihirapan siyang hawakan to'. Sa mga oras na yun, nahihirapan siyang huminga. Damang-dama ang pag-iisa.

Lumakad si Pria na dahan dahan ng patalikod, patungo sa pader malapit sa pinto. Ni walang nakakapansin sa kanyang pagkabalisa. Nais nya sanang tumakbo palabas, para matakasan ang lahat. Ngunit hindi niya maiangat ang nanginginig niyang paa. Hindi maigalaw ang mga binti. Siguro, may bahagi ng pagkatao niya na matapang na hinaharap ang lahat. Umaasang darating din ang pagkakataon na para sa kanya. Subalit kelan?

Nun gabi, sa gitna ng magandang musika at maraming tao, naiwan si Pria sa isang sulok, mag-isa. Mali ba talaga ang naging desisyon niya noon, kaya't nahihirapan siya ngayon. Nais sana ni Pria na kumilos at gumawa ng sariling pagkakataon, subalit hindi niya alam kung pano.

Natapos ang gabi, bumalik ang umaga, lumipas ang mag-hapon at dumating muli ang dilim. Paulit-ulit na para bang walang katapusan. Paulit-ulit na tila walang patutunguhan, na parang walang darating, na parang walang magagawa. Hangang ngayon, ganun pa rin. Paulit ulit lang. At unti-unting nahuhulog ang buong pagkatao ni Pria sa bangin ng kalungkutan.



......